ARAW 4

SIMULA NG BUHAY - RELIHIYOSA HANGGANG SA PAG-ALIS PATUNGONG ANDUJAR

Ang malalim at tahimik na pagtitig sa buhay ay nagpapadali sa pagsasabuhay ng mga pangyayari at karanasan na magmumula sa puso... at matatagpuan  doon  ang mga palatandaan ng presensya ng Diyos. 

Nauna nang humakbang ang Diyos sa kanilang paroroonan bago pa  pumaroon  sina Raphaela Maria  at Dolores. Naniwala sila sa  presensya ng Diyos sa lahat na kanilang naranasan at  batid nila na inilawan  nito ang mga mata ng kanilang kaluluwa upang makita at maunawaan  ang kanyang mga biyaya mula sa kaibuturan ng kanilang  mga puso. 

May mga  ilang  pangyayaring umukit sa kanilang buhay sa higit na  malalim na paraan: kabilang dito ang pagkamatay ng kanilang ina at  kapatid na si Enrique. Naghanda at nagturo sa kanila ang mga pangyayaring ito na huwag paghawakan  o kapitan ang  anumang bagay  o ang  sino pa  man maliban lamang  kay Kristo. Natuto silang mabuhay na bukas ang palad at puso sa harap ng Diyos at sa iba,  at ang  pagsunod kay Kristo sa Simbahan;  ibinuhos nila ang kanilang sarili sa panalangin at paglingkod sa mga higit na nangangailangan.

Noong Pebrero 13, 1874, nilisan nila ang kanilang bayan, pumunta sila sa kumbento ng Poor Clares ng Santa Cruz upang hanapin at pagdasalan ang kanilang bokasyon. Nag-alok sa kanila ang Diyosesis ng Cordoba nang dalawang magkakaibang landas: ang una  ay nagdala sa kanila  sa isang “boarding school” na pinamamahalaan ng Salesian Sisters, at kasama nito ang kanilang paanyaya  na "maging huli." Ang  pangalawa  ay  isang bagong misyon kasama ang Society of Mary Reparatrix ... Inako nila ang bagong misyon kasama ang Society of Reparatrix…buong ibinigay ang kanilang buhay  at ang lahat nilang  kakayahan at yaman…at patuloy na  lumalim at lumago ang kanilang bokasyon.  

Noong Marso 1, 1875, sinimulan nila ang kanilang buhay-relihiyosa sa kanilang sariling bahay;  di- kalaunan  ito’y naging   isang bagong kumbento. At doon, sa loob ng 19 na buwan, kasama ang iba pang mga dalagang nagmula pa ang ilan sa mayayamang pamilya  at ang  iba  ay mula sa pagiging  mga katulong /tagapaglingkod, natutunan nila ang buhay  na may panata  sa Diyos at  ang  buhay komunidad, sa pagsasabuhay nang  lahat na ito, gabay nila ang espirituwalidad ni Saint Ignatius. Isang bagong Instituto ang nagsimulang  nabuo,  ngunit di ito isang tradisyunal na monasteryo;  sapagkat  taglay nito ang  apostolikong layunin sa paglilingkod sa  Simbahang unibersal.

Sa paglipas ng panahon, nang dumating ang maraming paghihirap na kanilang naranasan, umalis ang mga Reparitrix Sisters. Ang grupo ng mga dalagang kasama nina Raphaela Maria, patuloy na naghangad na tumugon sa kalooban ng

Diyos para sa kanila. Si Rafaela Maria ang pinili nilang  mamuno sa kanilang grupo samantalang ginampanan naman ni Dolores ang isa ring mahalagang katungkulan. 

Nang gustuhin  ng Diyosesis na baguhin ang mahahalagang katangian ng bagong  Instituto,  nagkarooon sila ng isang  paniniwala: pinanindigan nilang piliin at  isabuhay ang Espirituwalidad ni San Ignatius de Loyola. Hindi  nila ito  isinuko  dahil naramdaman nilang,  para sa kanila, iyon ang tawag ng Diyos 

Nang igiit ng Obispo ang mga pagbabago, napagkasunduan nilang maghanap ng lugal kung saan nila maipapagpatuloy ang pagtugon sa tawag ng Diyos. Walang takot, matapang, at gabay ang matapat  na pagtugon sa tawag ng Diyos;  lihim na umalis, isang gabi  ang  14,  patungo sa Andújar.  Sa isang Ospital ng mga madre ng Daughters of Charity,  nagkubli at kinupkop sila.

Samantala, nagpaiwan si Dolores at isa pang kasama, hinarap  nila ang  mga tanong at  galit ng Obispo nang matuklasan nitong  nilisan nila ang bahay sa San Roque.  Nanatiling nakasandig sa Panginoon ang tiwala ng   grupo ni Raphaela Maria at iyon ang  nagpatibay  at nagpalakas sa kanilang kalooban  sa panahon ng walang katiyakan at mapaghamong mga unang araw nang unang yugto ng kanilang buhay-relihiyosa.

“Lubos nating pasalamatan  ang Panginoon sa kanyang kabutihan at isuko sa Kanya ang ating mga sarili  nang walang pagdadalawang-loob, siya ang ating gabay.  Anong laking kaligayahan ang nararanasan sa kanilang paglilingkod! hindi ba totoo? […] 

Nasa Panginoon ang aking tiwala, anupa’t may sapat na tapang at lakas-loob ako sa aking sarili. Lagi niya tayong tutulungan dahil wala tayong ibang hinahangad maliban sa kanyang karangalan at kaluwalhatian […] Isang libo’t isang  pasasalamat sa ating mabuting Hesus , na nagbibigay sa atin  ng maraming  mga biyaya. Kapag tayoý nagdurusa, nagbibigay siya ng  katumbas na biyaya ng pagkalinga. Pagpalain nawa siya sa lahat ng bagay […] 

Masayang-masaya kaming lahat  ngayon, at  may pakiramdam na  napakamapalad namin. Wala na kami sa Ospital; nakatira na  kami sa isang bahay at dito, naisasabuhay namin ang ating mga Patakaran/ Rules.  At higit sa lahat,  nasaamin ang espiritu ng pagkakaisa […] Buong-buo nating ibigay ang ating mga sarili sa Kanya upang magawa Niya ang Kanyang kalooban  na walang anumang hadlang  […] magkaroon tayo ng lakas ng loob na mapaglingkuran ng lubos ang ating Panginoon […] magtiwala tayo nang buung-buo sa kanyang  kabutihan; Nawa'y mangyari sa atin ang kanyang kalooban, maging anuman iyon at kung papaano niya gustong mangyari iyon… na wala tayong inilalagay na  anumang hadlang sa kanyang dinaraanan. Magtiwala tayo sa ating mabuting Hesus at huwag  tayong matakot.”  (Mula sa kanyang mga unang sulat)

“Lumingon si Hesus, at nang makita niyang sumusunod sa kanya ang mga ito, sila'y tinanong niya, “Ano ang kailangan ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” sabi ni Hesus. Sumama sila kay Hesus at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na iyon. Mag-iikaapat na noon ng hapon.” (Juan 1:38,39)

Nag-aalok sa atin ang Diyos ng kanyang  paraan, at sinasamahan niya   tayo. .Inaanyayahan niya tayong lumakad nang mapagpakumbaba kasama niya, na pangalagaan natin  ang pinakamahalagang relasyong ito ng pag-ibig. 

Paano mo isinasabuhay at pinangangalagaan ang kanyang panawagan na hayaan ang iyong sariling hulmahin ka, hubugin at  mahalin niya –upang maging daluyan  ng kanyang pagmamahal para sa iyong kapwa, lalo pa ng mga taong higit na kailangang malaman at madama ang  pag-ibig ng Diyos?

PANALANGIN KAY STA. RAPHAELA MARIA

Sta. Rafaela María, nabuhay ka sa gitna ng lahat nang "pagbabago" na ipinakita sa iyo ng buhay, nang may malalim na pananaw. Turuan mo kaming tumingin mula sa loob, mula sa Diyos, sa lahat ng mga  pangyayaring nagaganap sa aming buhay.

Alam mo kung paano makinig sa paggalaw ng Diyos sa bawat pangyayari. Tulungan mo kaming maging matulungin at magpasalamat sa kanyang pagdaan sa aming buhay.

Pinahintulutan mo ang iyong sarili na mapuspos ng pag-ibig ng Diyos. At nalaman mo roon kung paano mamuhay. Liwanagan mo kami upang malaman namin kung paano kami mahikayat ng kanyang pag-ibig sa kaibuturan ng aming pagkatao. Si Hesus ang iyong dakilang kayamanan, ang iyong dakilang pag-ibig, at ang iyong  buhay.  Paglilingkod sa kanya  ang iyong pang-araw-araw na disposisyon. Samahan mo kami sa aming paglalakbay sa buhay, at tulungan kaming maging matulungin sa kapwa at maging tapat  sa kanyang mga tawag sa aming pang-araw-araw na buhay.