ARAW 2

LABING LIMANG (15) TAONG GULANG SI RAPHAELA MARIA, SA SAN JUAN DE LOS CABALLEROS

Lumaking magkasama  sina  Raphaela Maria at ang kanyang nakatatandang kapatid na babae, si Dolores.  Bagama't apat na taon ang pagitan  ng kanilang gulang, magkasama  nilang pinagsaluhan ang maraming bagay  sa panahon ng kanilang pagkabata at kabataan. Magkasama  sila sa paglalaro, pamamasyal, pag-aaral at pagsilbi.  Nabuo ang kanilang pagsasama sa gitna ng malakas na ingay at tawanan, pinagsaluhang saya at dalamhati, sakit at pagsubok. Nakilala nila ang lahat nang lansangan sa kanilang bayan ng Pedro Abad, kung saan sinamahan nila ang kanilang ina sa pagdalaw sa mga may sakit at pinakamahihina sa kanilang mga lugal.  Maliban sa  pagiging mahabagin at matulungin sa kapwa,  natutuhan din nila sa kanilang ina ang magdasal at sumama sa kanya sa simbahan.

Noong may labing-apat (14) na taong gulang si Raphaela  Maria,  ginugol nila ang bahagi ng Tag-Araw sa Cádiz kasama ang kanilang ina. Sa unang pagkakataon, nakita  niya ang dagat... at naghatid ito sa kanya  ng  larawan ng kalawakan ng pagmamahal ng Diyos…taimtim niyang  tinitigan ito,  at  naramdaman niya ang  malalim na kapayapaan at pasasalamat…Nakita ni Raphaela Maria ang Diyos sa lahat na bagay

Nang sumunod na taon, Tagsibol  (Spring) noon, masaya silang pumunta ng Cordova. Sa paligid ng Plaza ng San Juan,  makikita tuwina ang ilang  miyembro ng pamilya Porras. Noong umaga ng ika-25 ng Marso, nanalangin si Raphaela Maria sa simbahan ng San Juan. At  dito naantig ang kanyang puso  upang ialay sa Diyos  ang kanyang buong buhay  ngayon at  magpakailanman.  Araw iyon ng  kapistahan ng Pagbalita ng Anghel sa  Mahal na Birheng Maria ng Pagkakatawang-Tao ng  Anak ng Diyos;  may  labinlimang (15) taong gulang pa lamang  si Raphaela Maria noon.  Wala siyang sinabihang   sinuman tungkol sa  kanyang ginawang pag-aalay ng sarili sa Diyos, ngunit mula noon, naramdaman niyang  napakalapit niya sa Diyos.  “Ang puso ko ay pag-aari Mo at ito ay para lamang saiyo, O Panginoong Hesus. ”  Para kay Raphaela Maria, tunay na laan lamang sa Diyos ang kanyang puso at buhay magpakailanman. 

Sa Roma noong Marso 25, 1907, natanggap ni Raphaela Maria  ang papel kung 

saan nakasulat ang  kanyang ginawang panghabang-buhay na pag-aalay ng kanyang 

sarili sa Diyos; nangyari iyon noong Enero 1, 1882  sa Madrid, may 24 na taon na ang

nakararaan.  Nilagdaan niyang muli ang sulat  sa araw na ito,  at naalaala niya ang kanyang ginawang  panghabambuhay  na pag-aalay  sa Diyos,  ang  kanyang panatang  Kalinisang- Puri  (vow of Chastity);  may 15 taong gulang siya noon.  

 “Ginawa ko ang panatang ito […] at ngayon dito sa Roma sa aming kumbento,  nilagdaan ko ito sa araw ng Pagbalita ng Anghel sa  Mahal na Birheng Maria ng Pagkakatawang-Tao ng  Anak ng Diyos.  Gayundin, sa araw ring ito, sa Cordova,  noong 1865, sa parokya ng San Juan, na ngayon ay ating simbahan, ginawa ko ang aking panghabambuhay na  pag-aalay sa Diyos ng aking panata ng Kalinisang-Puri.”

Hindi binubura o pinalalabo  ng paglipas ng panahon ang  anumang mahalagang karanasan...nananatili itong  nakaukit sa puso at  nakatatak sa isipan...gumagabay sa paghubog ng ating pananaw.Ganito  ang nangyari kay Raphaela Maria..

“Nang ikaanim na buwan, ipinadala ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang lungsod sa Galilea na tinatawag na Nazareth, sa isang birhen na ipinangako sa isang lalaking nagngangalang Jose  […] Magalak ka, ikaw na minamahal, ang Panginoon ay sumasaiyo. […] Huwag kang matakot, Maria, kinalulugdan ka  ng Diyos […]  Napupuno ka ng Espiritu Santo  […] Narito ang alipin ng Panginoon: matupad nawa ang iyong salita sa akin.  (Lukas 1:26 at sumusunod).

Naaalala ko  pa ang unang pagtatagpo namin ng Panginoon;  ang unang pagkakataong  naramdaman kong  mahal ako ng Diyos. Sa ngayon, kumusta  na ang aking puso? Ito ba ay buong-buo  pa ring  para kay Hesus?  Ano’ng  bahagi nito ang kailangan kong hayaang umibig na  muli sa Panginoong Hesus? 

PANALANGIN KAY STA. RAPHAELA MARIA

Sta. Rafaela Maria, nabuhay kang nagmamahal sa Diyos  at may kakayahang namnamin ang  kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos.

Nang ika’y bata pa, at namasdan mo sa unang pagkakataon ang  dagat ng Cádiz, namangha ka sa dakilang regalo  ng Diyos na dagat. Makalipas ang mga taon, sa isang kapatid na babae,  na nakakita rin ng dagat sa unang pagkakataon,  sinabi mo:  “O  walang hangga´t makapangyarihang Diyos!  Kay sayang magkaroon ng isang dakilang Diyos!  Nasa saatin Siya, at maaari nating taglayin  at pagsaluhan ang  kanyang  

kawalang – hanggan… sa ngayon,  nasasaatin siya sa Banal na Sakramento  ng 

Eukaristiya;  nasa  atin Siya  araw-araw sa ating  mga puso. Tunay na ito  nga ay isang napakalalim na dagat!"

Sta. Raphaela Maria, ibig  naming mabuhay nang ganito:  pinagninilayan ang mga  bagay- bagay sa aming mga puso, pinahihintulutan ang aming sari-sarili na likhaing muli ng  ating Diyos, at  nanatiling nagmamahal sa Kanya. 

Tulungan mo kaming  mabuhay sa pag-ibig na ito. Samahan mo kami sa aming araw-araw na paglalakbay sa buhay,  nang ang bawat isa sa amin  masabi ring muli  na may  buong  pagmamahal:  "Tanging kay Hesus, sa pamamagitan ni Hesus at para kay Hesus lamang  ang aking  buong buhay, ang aking buong puso, ngayon  at magpakailanman."  Amen.