ARAW 8

ROMA

Lumisan si Raphaela Maria patungong Roma sa gulang na 42ng taon at nanatili siya roon hanggang sa mga nalalabing panahon ng  kanyang buhay.  Pumunta siya ng Roma upang maging isang  pundasyon, isang matatag at matibay na pundasyon ng Instituto- upang mapanatili ang pagkakaisa, dahil para sa kanya,  wala nang hihigit pang   mahalaga   kaysa rito. Nanirahan siya sa isang sulok ng lungsod, sa isang sulok ng Instituto, at mula roon  dumadaloy ang kanyang pagkatao sa pulso ng Instituto, ng Simbahan, ng mundo ...

Ang sa kanya ay isang nakatagong buhay, pisikal na limitado man ito sa espasyo sa pagitan ng apat na pader, nag-uumapaw  naman ang kanyang kakayahang magmahal. Araw-araw  nakikinig si Raphaela Maria sa kanyang Panginoon - ang Panginoon ng Buhay. Ang kanyang mga pananaw ay hindi nakatutok sa tagumpay  o katanyagan, ngunit sa katapatan.

Hindi naging madali ang mga taong iyon,  kung minsan ang paglipas ng panahon  ay wari ba, napakabagal...hindi niya tiyak  kung  hanggang kailan   ang  katapusan nito…ngunit  tumagal ito ng 32 taon  na  araw-araw niyang isinabuhay na   may tindi at intensidad.  Mga taon ito ng pagdurusa at ng pagkakait ... ngunit sa kahiwagaan at biyaya ng Diyos,  mga taon  ito na nagbunga at  namunga nang  sagana. Sa kanyang katapatan, matahimik na lakas at pananampalataya, kaya niyang ilipat ang mga bundok sa espasyo at oras,  sa alin mang lugal o sa anumang panahon.  

Si Raphaela Maria,gayong nagtataglay ng dakilang enerhiyang pastoral, ay tinanggalan ng lahat ng panlabas na aktibidad, ng lahat ng pamumuno; ngunit  sa kabila nito, inialay niya ang kanyang sarili sa pang-araw-araw na gawain,  ng  pag-aaliw, paghikayat, pagpapanibago, paghanap ng pagkakaunawaan at pagbuo ng pagkakaisa anuman ang mangyari. Pinagmasdan niya ang buhay at napagmasdan ang mundo:  ang pagdurusa ng sangkatauhan, ang mga pangyayari sa kasaysayan, ang kongkretong katotohanan ng bawat kapatid sa Instituto, ang mga problema at kagalakan ng kanyang  mga kamag-anak,  may puwang  ang lahat sa kanyang titig at  may kanlungan sa kanyang puso.

Isa sa mga huling gawaing naiwan sa kanya ay ang pagbuburda. At kung gaano karaming pagninilay ang kanyang ginawa habang nananahi, nang may pag-iingat! Binurdahan niya ang kanyang buhay, hinabi ang lahat ng mga hibla ng kanyang kuwento ng walang katapusang pag-iingat  at  pangangalaga. Kung hahanapin natin ang “mga  ibig” at mithiin  ni Raphaela  Maria sa paghabi na ito,  matatanto  natin ang kanyang malalim na pagnanais para sa pagkakaisa at ang kanyang pakikibaka para sa kapayapaan: "Lahat ay nagkakaisa sa lahat ng bagay tulad ng mga daliri ng kamay" sasabihin niya ... at "nawa tayo ay mga tao ng kapayapaan at pagdiriwang." Ang bawat sinulid ay may kulay at kapal ... nagkakaisa at nakakabit sa iba... walang iisang kulay, walang sinulid na nangingibabaw... at anong uri ng tapiserya ang lumalabas!

“… At walang makakayanig sa akin. Habang higit akong  dinidiin,  lalo pang  dapat akong magtiwala sa Diyos, higit na isuko ang lahat sa Kanya  at lubos na kaisa niya  sa pamamagitan ng panalangin, at ito ang dapat kong  pagkain sa tuwina, Hindi ko ito pababayaan para sa anuman o para sa sinuman.  At kung ang  pakiramdam ko pinabayaan ako ng Diyos, higit pang  kakapit ako at susuko sa Kanya.”   

 “Ang Diyos ay naninirahan dito (ang aking kaluluwa) at binibigyan ito ng labis na lakas, 

tulad ng katas ng mga halaman, upang lumaki at lumago sa katatagan at pagiging bago. Higit pa rito, tila mayroon sa pagitan ng Diyos at nito nang malapit na pagkakaisa,  ng hindi matutunaw na sakramento,  at samakatuwid, na hindi na maaaring magkaroon ng paghihiwalay sa pagitan ng dalawa.”

“Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din  naman ang iyong puso… Ngunit hanapin muna ang kaharian [ng Diyos] at ang kaniyang katuwiran, at mabuhay ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya  ang  lahat ninyong kailangan. Huwag mag-alala tungkol sa  araw ng bukas;  saka na ninyo harapin kapag  ito’y dumating na. Sapat na sa bawat araw ang  kanyang mga suliranin .” (Mt 6:21, 33-34)

Nasaan ang aking "kayamanan"? Sino ang pagkakatiwalaan ko nito ? Ano ang sentro kung saan ako kumikilos at nabubuhay?

PANAALANGIN KAY STA. RAPHAELA MARIA

Sta, Raphaela Maria,  kasama mo at tulad mo,  nais naming sabihin sa ating Diyos at Panginoon,  ang panalangin ni San Ignacio:

"Kunin mo, Panginoon at tanggapin   ang lahat ng aking kalayaan, ang aking memorya, ang aking pang-unawa , at ang aking buong kalooban.

Lahat ng mayroon at pag-aari ko, binigay mo sa akin,

Sa iyo, Panginoon, ibinabalik ko. 

 Ang lahat ay sa iyo. Gamitin Mo ito ayon sa iyong kalooban.

Bigyan mo  lamang ako ng iyong pagmamahal at biyaya,

Ito ay sapat na para sa akin."